PBBM, nilagdaan na ang kautusang nagtatatag ng independent commission na mag-iimbestiga sa mga korapsyon sa infrastructure projects

Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order No. 94 na lumilikha sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang ad hoc fact-finding body na tututok sa mga alegasyon ng iregularidad, misuse of funds, at posibleng korapsyon sa mga proyekto ng pamahalaan, partikular sa flood control at iba pang imprastraktura.

Batay sa kautusan, pamumunuan ng isang Chairperson at dalawang miyembro ang komisyon, na dapat ay may napatunayang kakayahan, integridad, at pagiging independyente.

May kapangyarihan itong mag-imbestiga, mangalap ng ebidensya, magrekomenda ng preventive suspension, at magsumite ng mga ulat at rekomendasyon sa kaukulang ahensya para sa mabilis na pagsasampa ng kaso.

Kasama rin sa mandato ng ICI ang pagrepaso sa mga proyektong may anomalya, pag-freeze ng assets na may kaugnayan sa korapsyon, at pakikipagtulungan sa mga eksperto at resource persons upang tiyaking transparent at accountable ang proseso.

Sa kanyang kautusan, iginiit ni Pangulong Marcos na nananatiling matibay ang kanyang administrasyon sa paninindigan laban sa graft at korapsyon, at titiyakin ang ligtas at maayos na pagpapatupad ng mga proyektong mahalaga sa kapakanan at seguridad ng mga Pilipino.

Facebook Comments