PBBM, nilinaw na hindi nagbabago ang posisyon ng Pilipinas sa pagtatanggol sa mga pag-aaring teritoryo sa West Philippine Sea

Nilinaw ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na hindi nagbabago ang posisyon ng Pilipinas sa usapin ng isyu sa West Philippine Sea, kasunod ng kanyang pahayag sa State of the Nation Address (SONA) kaugnay ng foreign policy ng bansa.

Sa panayam sa Firstpost, sinabi ng Pangulo, na maaari pa rin namang maging kaibigan ng ibang bansa ang Pilipinas kahit patuloy nitong ipinaglalaban ang soberanya sa teritoryo.

Ayon sa Pangulo, hindi naman dahil ipinagtatanggol ng Pilipinas ang mga pag-aaring teritoryo at pinalalakas ang militar, ay kalaban na ang turing nito sa ibang bansa.

Matatandaang sinabi ng Pangulo sa kanyang SONA, na mananatiling kalmado at mapagpasensya ang Pilipinas, sa harap ng mga posibleng bagong banta sa teritoryo.

Gayunpaman, binigyang diin nito na kahit kailan ay hindi isusuko ng bansa ang soberanya at kahit katiting na bahagi ang mga teritoryo ng bansa.

Tiwala naman si Pangulong Marcos na dedepensahan ang Pilipinas ng Amerika, sa ilalim ng administrasyon ni President Donald Trump, sakaling malagay sa banta ang ating seguridad.

Ayon sa pangulo, mismong mga opisyal ng Estados Unidos, gaya nina Defense Sec. Pete Hegseth at Secretary of State Marco Rubio ang nagsabi na hindi nagbago ang kanilang polisiya pagdating sa Pilipinas.

Facebook Comments