Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mangunguna sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Council, na itatatag sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Ayon sa pangulo, magiging proactive siya sa pagpigil sa pagpasok ng smuggled na mga agricultural products upang matiyak na nababayaran ang tamang buwis at mapapatawan ng mabigat na parusa ang mga violator.
Sa ilalim ng itatatag na konseho, makakasama niya ang mga kalihim ng Department of Agriculture (DA), Department of Finance, Department of Transportation (DOTr), Department of Trade and Industry (DTI), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Justice (DOJ).
Bubuo rin aniya sila ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Enforcement Group na tututok sa pagbuwag sa mga operasyon ng smuggling at aaresto sa mga sangkot dito.
Target nitong mapabilis ang resolusyon ng mga kasong may kaugnayan sa agricultural sabotage.
Babala pa ni Pangulong Marcos, hindi lang puntirya dito ang masterminds kundi ang lahat ng kasabwat, kabilang ang financiers, brokers, mga empleyado at maging ang mga nagbibiyahe ng iligal na mga produkto.
Sa ilalim ng batas, ang smuggling, hoarding, profiteering, at cartel operations ng agricultural at fishery products ay klasipikado na bilang economic sabotage— na non-bailable offense at may parusang habambuhay na pagkakulong at multang katumbas ng hanggang limang beses ng halaga ng sangkot na produkto.