
Muling magiging abala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong unang araw ng Hulyo para sa sunod-sunod na aktibidad na magpapatibay sa ugnayang panlabas, ekonomiya, at seguridad ng bansa.
Alas-8:00 nang umaga ay pangungunahan ng pangulo ang paggawad ng Order of Sikatuna Grand Cross (DATU), Gold Distinction at ang panunumpa ni Maria Theresa P. Lazaro bilang bagong kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Malacañang.
Kasunod nito, dadalo naman si Pangulong Marcos sa isang espesyal na Bell Ringing Ceremony para markahan ang pagsasabatas ng Capital Markets Efficiency Promotions Act o Republic Act No. 12214. Gaganapin ito sa Philippine Stock Exchange Events Hall sa Bonifacio Global City, Taguig, alas-9:00 nang umaga.
Layunin ng batas na palakasin at gawing mas episyente ang capital markets ng bansa, na inaasahang makakatulong sa mas maraming negosyante at mamumuhunan.
Matapos nito ay didiretso naman ang Pangulo sa pagdiriwang ng 78th Founding Anniversary ng Philippine Air Force sa Villamor Air Base, Pasay City, para ipakita ang suporta ng administrasyon sa Air Force na bahagi ng pagpapalakas sa national defense at seguridad ng bansa.









