PBBM, pangungunahan ang command conference sa Kampo Krame bukas

Magsasagawa ng command conference bukas ang Philippine National Police (PNP) kung saan pangungunahan ito mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay PNP Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, alas-11 ng umaga magsisimula ang nasabing command conference sa multi-purpose center sa Kampo Krame kung saan kabilang sa mga dadalo ang lahat ng mga opisyal ng PNP.

Samantala, sinabi naman ni PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., na walang kakaiba bagkus regular lamang itong command conference kung saan inaasahang mag-uulat ang Pambansang Pulisya kay Pangulong Marcos kaugnay sa sitwasyon sa seguridad ng bansa.


Inaasahan ding magbibigay ng direktiba ang pangulo sa PNP na may kinalaman sa pagtitiyak ng kapayapaan at kaayusan ng bansa lalo na’t ilang araw binulabog ng bomb threat ang ilang ahensya ng pamahalaan at paaralan.

Nabatid na ito ang kauna-unahang pakikipag-usap ng pangulo sa hanay ng PNP para sa taong 2024.

Facebook Comments