PBBM, patuloy na naka-monitor sa sitwasyon sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na pagyanig kahit nasa Amerika

Kahit nasa Amerika, patuloy na nakatutok ang pangulo sa sitwasyon ng mga naapektuhan ng malakas na pagyanig sa Saranggani Province.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil, nagkaroon ng virtual meeting ang pangulo sa ilang government officials noong Sabado ng gabi oras sa Hawaii at inutos ang patuloy na relief operations sa mga pamilyang lubhang apektado ng lindol.

Sa pulong ng pangulo sa mga government officials, sinabi nitong kailangang patuloy na maging alerto sa posibleng mga aftershocks dahil mas marami aniya ang nagiging casualty sa aftershocks.


Kasama ng pangulo sa virtual meeting sina Defense Secretary Gilbert Teodoro, Health Secretary Teodoro Herbosa, Social Welfare Undersecretary Edu Punay, Office of Civil Defense (OCD) Undersecretary Ariel Nepomuceno at iba pang government officials.

Utos ng pangulo sa mga ito na tiyaking nasa ligtas na lugar na ang mga residente lalo’t hindi aniya maiaalis na magkaroon ng tsunami dahil sa malakas na pagyanig.

Ang pangulo ay regular na nakikipagpulong sa mga government officials dito sa Pilipinas para humingi ng updates sa sitwasyon ng mga apektado ng malakas na lindol.

Nakatakda naman mamayang gabi ang paguwi ng pangulo at delegasyon nito mula sa ilang araw na working visit sa Estados Unidos.

Facebook Comments