PBBM, pinababantayan ang hindi makatwirang pagtaas ng presyo ng bilihin sa kabila ng tigil-putukan sa Middle East

Nagbaba ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na bantayan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo.

Ayon kay Pangulong Marcos, marami siyang nakikitang pagtaas ng presyo sa mga produkto at serbisyo pero wala namang pagtaas sa presyo ng langis.

Babala ng pangulo, walang dahilan para patungan ang mga presyo dahil stable na ang pandaigdigang presyo ng langis kasunod ng tigil-putukan.

Itinuturing na price gouging ang hindi makatwirang pagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mahahalagang serbisyo, lalo na sa mga panahong may krisis.

Nauna nang ipinatawag ni Pangulong Marcos ang kaniyang economic team upang suriin ang epekto ng kaguluhan sa Middle East at bumuo ng contingency plans na magpoprotekta sa mga Pilipino laban sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis.

Nagtakda na rin ng Suggested Retail Prices (SRP) Department of Trade and Industry (DTI) para sa mga pangunahing produkto kabilang ang de-lata, bottled water, gatas, at mga karaniwang gamit sa bahay o kusina.

Facebook Comments