Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi naglatag ng “demand” ang Indonesia para maibigay sa kustodiya ng Pilipinas si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito’y kasunod ng mga lumabas na ulat na inihirit ng Indonesia na i-swap kay Guo si Gregor Haas, isang Australian na wanted sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking at nasakote sa lalawigan ng Cebu noong Mayo 2024.
Ayon sa Pangulo, walang inihirit na palit-ulo o prisoner swap ang Indonesia.
Lumabas lamang aniya ang isyung ito sa isang pahayagan sa Indonesia na hindi naman opisyal.
Aminado naman si Pangulong Marcos na hindi naging madali ang pagpapauwi kay Guo sa bansa.
Kinausap rin aniya nila ang mga kaibigan sa Indonesia at marahil nakatulong daw ang pagpunta niya sa ibang mga bansa kaya naging malapit sila ni President Joko Widodo at napakiusapan na kunin at ibalik sa bansa ang puganteng alkalde.