
Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng tuloy-tuloy at masinsing paghahanda sa harap ng walang katiyakan sa sitwasyon sa Middle East.
Ayon sa pangulo, hindi pa malinaw kung hanggang kailan tatagal ang sigalot, kaya kailangang maging handa ang bansa lalo na kung ito ay lalala at hahaba pa.
Babala niya, direktang maaapektuhan ang suplay at presyo ng langis, lalo na’t apektado ang mga rutang dinaraanan ng inaangkat na petrolyo papuntang Asya.
Partikular na tinukoy ng pangulo ang Strait of Hormuz na kasalukuyang sarado, isang kritikal na daanan ng langis sa mundo.
Dahil dito, ang Asya ang sinasabing pinakamabigat na tinamaan sa epekto ng krisis.
Dagdag pa ng pangulo, bilang bansang halos umaasa sa inaangkat na langis, kailangang paghandaan ng Pilipinas ang posibleng mas matagal at mas matinding epekto ng sigalot na nagsimula mahigit tatlong linggo na ang nakalipas.










