
Mahigpit ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin at paigtingin ang whole-of-government coordination laban sa lumalalang banta ng organized crime sa bansa.
Sa Malacañang, pinangunahan ni Executive Secretary Ralph Recto ang pagpupulong kasama ang mga ahensyang bumubuo sa Presidential Anti-Organized Crime Commission o PAOCC bilang tugon sa utos ng Pangulo.
Layunin nitong pag-isahin ang galaw ng pamahalaan para tuluyang mawasak ang mas sopistikado at organisadong mga sindikatong kriminal.
Ayon kay Recto, malinaw ang bilin ng Pangulo na paigtingin ang mga hakbang upang maprotektahan ang mga Pilipino.
Hindi lamang aniya paghabol sa mga kriminal ang trabaho ng gobyerno, kundi ang pagsasara ng bawat puwang na maaaring pagsimulan ng krimen.
Katuwang sa mas pinaigting na koordinasyon ang mga kinatawan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of National Defense (DND), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), at National Bureau of Investigation (NBI).
Sa ilalim ng direktibang ito, inaasahang magiging mas mahigpit, mas mabilis, at mas organisado ang pagkilos ng pamahalaan laban sa mga sindikatong patuloy na naglalagay sa peligro sa seguridad ng bansa.










