PBBM, pinamamadali sa DA, DOF ang pamimigay ng ayuda sa mga magsasaka

Direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) at Department of Finance (DOF) na bilisan ang pagpapatupad ng mga programa para sa mga magsasaka.

Ang tinutukoy ng pangulo ay ang Rice Farmers Financial Assistance (RFFA) program at ang Rice Competitiveness Enhancement Fund program.

Sa pamamahagi ng bigas sa Capiz, sinabi ni Pangulong Marcos na mahigit 10,000 magsasaka sa lalawigan ang tatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng RFFA.


Habang sa ilalim naman ng RCEF, tutulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mga makinarya, pamimigay ng punla, mga pagsasanay at seminar, at pagpapahiram ng puhunan.

Matatandaang una nang iniutos ng pangulo ang pagpapalabas ng ₱12.7 billion na pondo para sa RFFA program para matulungan ang maliliit na magsasaka.

Makakatanggap ang bawat benepisyaryo ng ₱5,000 ayuda mula sa koleksyon sa buwis sa inaangkat na bigas.

Facebook Comments