
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Ormoc City ang distribusyon ng 124 na patient transport vehicles sa iba’t ibang munisipyo ng Eastern Visayas sa layuning palakasin at pagandahin ang serbisyong medikal sa bansa, sa pamamagitan ng Medical Transport Vehicle Donation Program ng PCSO.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng maayos na serbisyong pangkalusugan na dapat ay naaabot ng lahat.
Gayundin, umaasa si Pangulong Marcos na ang mga Pilipino, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, ay hindi na mahihirapan sa pagtanggap ng mga serbisyong medikal sa ospital tulad ng checkup, pagpapagamot, at pagbili ng gamot dahil sa ipinatutupad na zero balance billing sa lahat ng DOH hospitals.
Samantala, umabot na sa 1,297 patient transport vehicles ang naipamahagi sa buong bansa. Ito ay 75% ng kabuuang target na 1,642 LGUs na makatanggap nito.
Dagdag pa ng Pangulo, kapag natapos na ang distribusyon na ito, susundan pa ito ng karagdagang pamamahagi ng patient transport vehicles bago matapos ang taong 2025.
Maliban sa turnover ceremony, saksi rin si Pangulong Marcos sa pagpapatupad ng “no balance billing” sa Eastern Visayas Medical Center.










