
Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paglalatag ng mga hakbang para maagapan ang pinangangambahang krisis sa produksyon at suplay ng saging.
Kasunod ito ng panawagan ni Senator Imee Marcos na bigyang prayoridad ang pagpapalakas ng produksyon at research sa saging, dahil sa hinaharap na krisis ng industriya, dulot ng mataas na gastos sa produksyon, hindi patas na trade agreements sa ibang bansa, at banta ng Panama disease o sakit sa mga tanim na saging.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, humiling na ng pondo ang Department of Agriculture (DA) para matulungan ang problema ng banana farmers laban sa mga peste at sakit sa puno ng mga saging.
Pinag-aaralan na rin aniyang amyendahan ang antas ng taripa sa Japan, na pangunahing exporter ng saging, dahil 8% ang ipinapataw na taripa kapag summer season, habang mas mataas o 18% kapag winter.
Sa ngayon, pinalalakas na rin aniya ang mga hakbang para lumago pa ang lokal na produksyon ng saging, at maibenta sa iba pang potensyal na exporters, gaya ng Australia, Amerika, at mga bansa sa Middle East, partikular ang mga steam at frozen banana, maliban pa sa banana chips.










