
Bilang pagsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., personal na pinangunahan ni Special Assistant to the President (SAP) Anton Lagdameo Jr. ang pamamahagi ng ayuda at pagtukoy sa pangangailangan ng mga mamamayan ng Masbate makaraang salantain ito ng Bagyong Opong.
Kasama ang ilang miyembro ng Gabinete, bumisita si Lagdameo sa lalawigan ngayong araw, Oktubre 20 upang tiyakin ang tuloy-tuloy na rehabilitasyon at unti-unting pagbangon ng mga apektadong komunidad.


“Hindi po rito nagtatapos ang tulong ng gobyerno. Tuloy-tuloy po ito hanggang makabangon ang probinsya,” pahayag ni Lagdameo sa harap ng mga residente.
Ayon kay SAP Lagdameo, malinaw ang direktiba ng Pangulo na huwag pabayaan ang mga kababayan sa Masbate at siguruhing nakararating ang mga pangunahing serbisyo at tulong mula sa gobyerno.
Kabilang sa mga ipinamahagi ay mga binhi ng palay at mais para sa mga lokal na magsasaka bilang suporta sa muling pagpapasigla ng agrikultura sa lalawigan. Tumanggap din ng ayuda ang humigit-kumulang 500 tourism workers na nawalan ng kabuhayan dahil sa epekto ng bagyo sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Tourism (DOT).
Sinuri rin ni Lagdameo ang kondisyon ng ilang pampublikong paaralan gaya ng Masbate Comprehensive National High School at Nursery Elementary School upang tiyakin ang kaligtasan ng mga estudyante at ang pagpapatuloy ng kanilang mga pag-aaral.
Iginiit ng opisyal na ang mabilis na pagkilos at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga Masbateno ay bunga nang maayos na koordinasyon ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan at lokal na pamahalaan ng lalawigan.
“Kapag nagkakaisa at nagtutulungan, mas mabilis ang ating tugon sa mga suliranin ng ating mga kababayan at mas maipapaabot natin ang ginhawa sa ating mga kababayan,” dagdag ni Lagdameo.
Tiniyak ng Office of the Special Assistant of the President (OSAP) na hindi matatapos sa isang araw ang suporta ng administrasyon kung hindi magpapatuloy ito hangga’t hindi ganap na nakababangon ang Masbate mula sa pinsalang dulot ng naturang kalamidad.
Matatandaang naglabas ng agarang P100 milyong rehabilitation fund si PBBM upang matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng tatlong sunod-sunod na bagyo sa Masbate.
Nagpadala rin ang Pangulo ng humanitarian at disaster response teams sa Masbate. Kabilang dito ang mga grupo para sa medical missions, pamamahagi ng malinis na tubig, at clearing operations sa mga kalsadang hindi pa nadadaanan upang mas mapabilis ang pag-abot ng tulong sa malalayong barangay sa lalawigan.









