
Iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi dapat tularan ang patong-patong na mga regulasyon sa national government na nagpapabagal sa pagkuha ng mga kailangang dokumento sa mga transaksiyon.
Ayon sa Pangulo, mahalaga sa mga negosyante ang ease of doing business kung saan madali ang pagbubukas ng korporasyon, mabilis ang registration, at hindi mabigat ang gastos sa mga permit.
Kaya payo niya sa Bangsamoro government na iwasan ang nangyaring sistema sa pambansang pamahalaan na aniya’y puno ng magkakapatong na patakaran, na umaabot pa minsan ng tatlong taon bago mailabas ang isang simpleng dokumentong kailangan sa isang transaksiyon.
Dagdag ng Pangulo, mas magiging kaakit-akit sa mga investor ang Bangsamoro region kung magiging mabilis, malinaw, at episyente ang mga proseso sa pamahalaan.










