Umapela si dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na magbitiw na lang at ipaubaya ang pamumuno sa bansa kay Vice President Sara Duterte.
Naniniwala si Alvarez na kapag nagbitiw si Pangulong Marcos ay huhupa rin ang tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Alvarez, sana ay nagnilay-nilay si Marcos noong Semana Santa upang gawin din ang sakripisyo ng Panginoong Hesukristo para sa taumbayan sa pamamagitan ng pagbibitiw.
Para kay Alvarez ang mga pahayag at aksyon ni PBBM kaugnay sa West Philippine Sea ay lalo lamang nagpapatindi sa tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China.
Giit ni Avarez, hindi natin dapat isuko ang alin mang teritoryo ng Pilipinas pero dapat nating harapin ang katotohanan na hindi natin kayang makipagkumpetensya sa China sa usapin ng lakas ng militar at hindi rin tiyak na isandaang porsyentong ipagtatanggol tayo ng mga kaalyadong bansa gaya ng Amerika.
Bunsod nito ay nanawagan din si Alvarez sa gobyerno na i-reassess na ang stratehiya nito sa pagharap sa Chinese government sa isyu ng WPS.