Inirekomenda ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino Libanan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagtatalaga ng air traffic czar.
Ayon kay Libanan, pangunahing responsibiidad ng air traffic czar ang pamamahala sa commercial flights activities at pag-atas sa mga airline na mag-reschedule ng biyahe kung kailangan.
Diin ni Libanan, prayoridad din ng air traffic czar ang pagpapabuti sa sitwasyon sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA sa pamamagitan ng paglilipat ng ibang flights nito sa Clark International Airport.
Giit ni Libanan, maaaring i-subsidize ng pamahalaan ang bahagi ng “relocation costs” upang ma-engganyo ang mga airline na ilipat ang ilan sa kanilang flights sa Clark.
Ang paglilipat sa Clark ng 50% ng commercial flights ng NAIA hanggang sa taong 2025 ay puspusang isinusulong ni Libanan dahil na rin sa inaasahang “full recovery” ng global air travel mula sa epekto ng pandemya.
Ang Clark International Airport ngayon ay ginagamit na ng 18 airlines na mayroong 686 na biyahe bawat linggo, at nasiserbisyunan nito ang 14 na international at 19 domestic destinations.