Binansagang “runaway” President si Pangulong Bongbong Marcos (PBBM) ng grupo ng Kilusang Mayo Uno sa isinagawang kilos-protesta ngayong araw ng mga manggagawa.
Ito ay makaraang umalis umano ang pangulo sa kauna-unahang paggunita ng Labor Day na siya ang nakapuwesto at nagtungo sa ibang bansa, sa halip na harapin ang mga manggagawa.
Kasabay nito, tinawag ng KMU na pakitang tao lamang ang mga economic relief na regalo ng pamahalaan sa mga manggagawa ngayong Labor Day.
Ayon sa KMU, ang libreng sakay, ayuda at pakinabang sa mga Kadiwa stores ay hindi sapat sa isang araw o pang isang linggong maitatawid ang gutom ng bawat manggagawa.
Dagdag ng grupo, kung tunay na kinikilala ng pamahalaan ang makabuluhang ambag ng manggagawa sa ekonomiya, dapat ay dagdag sa arawang sahod ang inanunsyo ng gobyerno.
Binatikos din ng KMU ang mga madalas na biyahe ng pangulong Marcos habang walang aksyon sa hinaing ng sektor ng paggawa.