Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Department of Health (DOH) na paigtingin pa ang information dissemination laban sa leptospirosis.
Ito’y matapos na maranasan ulit ang malawakang pagbaha sa ilang lugar sa bansa dahil sa Bagyong Enteng.
Ayon kay Pangulong Marcos, dapat makapagpalabas ng impormasyon ang ahensya tungkol sa leptospirosis para maiwasan ang muling paglobo ng leptospirosis sa nagdaang Bagyong Carina kung saan marami ang tinamaan ng sakit.
Mahalaga aniyang maturuan ang mga tao tungkol sa nasabing sakit na nakukuha sa ihi ng daga at maaaring makuha sa pamamagitan ng paglusong sa baha.
Nakiusap naman ang pangulo sa publiko na hangga’t maaari ay umiwas sa paglusong sa baha lalo na’t kung may bukas na na sugat na maaaring pasukan ng ihi ng daga.