
Bumwelta si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga batikos mula sa business sector at ilang grupo kaugnay sa umano’y mabagal na pag-usad ng imbestigasyon ng gobyerno sa isyu ng korapsyon.
Sa press conference sa Kuala Lumpur, Malaysia, sinabi ng pangulo na ang laban kontra katiwalian ay nasa legal na aspeto na at wala sa politika, kaya’t kinakailangang tiyakin na matibay ang ebidensya at maayos ang proseso bago tuluyang papanagutin ang mga sangkot.
Para sa pangulo, hindi sapat ang basta na lang may makasuhan o makulong agad dahil importante ang due process.
Kung magiging padalos-dalos aniya ay maaari pang makalusot ang mga tiwali kapag humina ang kaso o may kakulangan sa ebidensya.
Giit pa ng pangulo, isang beses lang may pagkakataon ang gobyerno na makamit ang hustisya, kaya’t kailangang masiguro na buo at matatag ang mga kasong isasampa.
Mas mabuti na aniyang tumagal ang imbestigasyon basta’t sigurado ang resulta, kaysa sa mga biglaang hakbang na mauuwi lamang sa pagkadismaya ng publiko.









