Napanood ni pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang live fire exercises, bahagi ng ginagawang Balikatan Exercises sa pagitan ng mga sundalong Pinoy at Amerikano.
Pasado alas:9:00 ng umaga nang dumating ang pangulo sa Naval Station Leovigildo Gantioqui, San Antonio, Zambales.
Binigyan muna ng saglit na briefing ang pangulo ng mga opisyal ng Balikatan Exercises, kaugnay sa masasaksihan bago sya dinala sa viewing area.
Mahigit 17,000 marines, sundalo, sailors, airmen at coast guardsmen mula sa Amerika at Pilipinas ang kasali sa training.
Kabilang na ipinakita sa pangulo ang pagtukoy, pag-target, pagpapasabog at pagpapalubog ng isang decommissioned navy warship gamit ang iba’t ibang ground at air based weapons system.
Gamit ang teleskopyo, napanood ng pangulo ang firing ng High Mobility Artillery Rocket System.
Halos dalawa’t kalahating oras ding nanood ang pangulo ng iba’t ibang military exercises.
Ang Balikatan Exercises ay isang oportunidad sa mga sundalong Pinoy at Amerikano para mapalakas ang kanilang kooperasyon, madagdagan ang kanilang kapabilidad at mapahusay ang interoperability ng mga ito.