Naging panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtatapos ng 224 na mga midshipmen o kadete ng Philippine Merchant Marine Academy o PMMA sa San Narciso, Zambales ngayong umaga.
Sa talumpati ng pangulo sa ika-200 Commencement Exercises ng PMMA, sinabi nitong sa loob ng ilang taong ginugol ng mga kadete sa akademya ay ipinamalas ng mga ito ang kanilang commitment, dedikasyon at integridad sa kanilang pagaaral.
Ayon pa sa pangulo, nasa loob ng apat na taon sa PMMA at hinarap ng mga kadete ang pagsubok na nangailan ng kasanayan at values bilang paghahanda sa nakaabang na tungkulin para sa bayan.
Ang mga nagtapos na midshipmen o kadete ay magiging opisyales sa Philippine Navy, Philippine Coastguard o sa Merchant Marine Fleet Man.
Kaugnay nito, hinikayat ng pangulo ang mga nagtapos na gawin ang lahat para sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Nagpasalamat naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga private shipping industry sa suportang ibinibigay ng mga ito sa PMMA.
Malaki aniya ang ginampanang papel ng mga ito para mapataas ang kapabilidad ng bansa bilang maritime nation.
Kasabay nito, panawagan rin ng presidente sa lahat na panatilihin ang magandang pangalan ng Pilipinas sa maritime industry sa buong mundo.