
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sundin ang tamang proseso sa preventive suspension laban kay Cebu Governor Gwendolyn Garcia.
Sinuspinde ng anim na buwan ng Ombudsman ang gobernadora dahil sa pag-iisyu ng quarrying permit nang wala umanong legal basis at consultation.
Ayon sa pangulo, anumang hakbang na makaaapekto sa mandato ng halal na opisyal ay dapat dumaan sa tama at legal na proseso, alinsunod sa Konstitusyon at Omnibus Election Code, lalo na ngayong panahon ng eleksyon.
Giit pa ng pangulo, hangga’t hindi pa nareresolba ang mga katanungan ukol sa suspensyon ni Garcia ay nararapat lamang na itrato ito ng patas at bigyan ng respeto lalo pa’t matagal na itong nagsilbi ng may katapatan.
Matatandaang inendorso ng One Cebu, ang political party ni Garcia, ang presidential campaign ni Marcos noong 2022 elections, at sa probinsya rin ng Cebu ang roll out ng Bente Bigas Program.
Nauna nang kwinestyon ni Garcia ang timing ng kautusan at iginiit na hindi siya bababa sa kaniyang puwesto.









