Tuesday, January 27, 2026

PBBM, suportado ang mga opisyal ng pamahalaan sa pagtindig laban sa China

Buong-buo ang suporta ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal, ahensya ng pamahalaan, at mga kasapi ng uniformed services na naninindigan at kumikilos para ipagtanggol ang soberanya at interes ng Pilipinas.

Tugon ito ng Palasyo sa mga pahayag at pagbabanta ng China, kabilang ang “pay the price” na komento ng isang Chinese spokesperson laban sa naging pahayag ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang utos ng Pangulo na ipaglaban ang karapatan ng bansa at hindi isuko kahit isang pulgada ng teritoryo ng Pilipinas.

Iginiit ng Malacañang na sinusuportahan ng Pangulo ang mga ginagawa at sinasabi ng mga pinuno ng ahensya ng gobyerno hangga’t ito ay tama, naaayon sa batas, at nakatuon sa pagtatanggol ng pambansang interes.

Kaugnay naman ng pagpapatawag ng Foreign Ministry ng China kay Philippine Ambassador to China Jaime FlorCruz, sinabi ni Castro na sa kabila ng naturang pulong, pinagtibay ng Pilipinas ang paninindigan nito sa mga isyung pandagat at ang determinasyong ipagtanggol ang soberanya ng bansa.

Kasabay ng matatag na paninindigan, iginiit din ng Malacañang na nananatiling mahalaga ang diplomasya sa pagharap ng Pilipinas sa mga usapin sa ibang bansa.

Facebook Comments