
Nilinaw ng Malacañang na suportado pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapatupad ng K-12 program sa kabila ng pagkadismaya nito dahil hindi nakakakuha ng trabaho ang mga SHS graduate.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipinupunto lamang ng pangulo na hindi epektibo ang K-12 dahil hindi rin naihanda ang mga ahensiya nang ipatupad ito.
Pero sabi aniya ng Pangulo, hanggat may batas para sa implementasyon nito ay dapat itong paghusayin pa.
Ipinag-utos na rin aniya ng Pangulo sa Department of Education (DepEd) na pagandahin pa ang K-12 curriculum para maihanda ang mga estudyante sa pagtatrabaho at maiwasan ang job mismatch.
Sa kasalukuyan binawasan na ng DepEd ang core subjects sa bagong curriculum ng Senior High School (SHS) Program, mula sa 15 subjects patungong limang core subjects.
Nakatuon na lamang ito ngayon sa effective communication, life skills, general mathematics, general science, at history.









