Ipagpapatuloy ng Marcos administration ang Bangsamoro peace process.
Ayon kay Director Wendell Orbeso ng Office of the Presidential Adviser on the Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tatapusin ang commitments sa peace agreement sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kabilang dito ang proseso ng decommissioning na isa sa mahahalagang probisyon ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB).
Dagdag pa ni Orbeso, target ng pamahalaan na tapusin ang lahat ng decommissioning para sa mga dating miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) bago ang taong 2025.
Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy ang Phase 3 Decommissioning Process na ginanap sa Sultan Kudarat, Maguindanao na nagsimula nitong nakalipas na Huwebes at tatagal hanggang August 10.
Base sa datos ng OPAPRU, umaabot na sa mahigit 26,000 ang kabuuang bilang ng MILF ang nagbalik-loob o higit kalahati ng 40,000 target ma-decommission bago magsimula ang 2025 elections.