Saturday, February 28, 2026

PBBM, tinanggap ang tatlong bagong ambassador sa Pilipinas

Tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang tatlong bagong ambassador mula sa Slovak Republic, Papua New Guinea at Lao People’s Democratic Republic sa Malacañang.

Kabilang sa mga nagpresenta ng kanilang credentials sina Ambassador Miloš Koterec ng Slovak Republic, Ambassador Stephen Pokanis ng Papua New Guinea, at Ambassador Thiphasone Sengsourinha ng Lao PDR.

Ayon sa Pangulo, inaasahan niyang lalo pang titibay ang ugnayan ng Pilipinas sa tatlong bansa sa larangan ng kalakalan, edukasyon at iba pang kooperasyon.

Ikinatuwa rin niya ang pagtalaga kay Koterec bilang kauna-unahang resident ambassador ng Slovakia sa bansa.

Samantala, tiniyak ng mga ambassador ang pagpapalakas ng bilateral relations.

Ibinahagi ng Slovak envoy ang posibilidad ng partnership sa nuclear technology at edukasyon, kinilala naman ng Papua New Guinea ang matibay na ugnayan at suporta ng Pilipinas sa ASEAN, habang nangako ang Lao PDR na paiigtingin ang kooperasyon lalo na sa episyente at makabagong serbisyong pampubliko.

Facebook Comments