
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi magiging pahirapan ang pagkuha ng pondo para sa mga proyekto sa mga probinsya, lungsod at bayan.
Sa paglulunsad ng programang “Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang,” sinabi ng pangulo na babaguhin na ang dating sistema kung saan matagal maaprubahan ang mga request ng Local Government Unit (LGU), lalo na sa malalayong lugar.
Ayon sa pangulo, dapat palakasin ang mga lokal na pamahalaan dahil sila ang mas nakakaalam ng pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Mas diretso na rin aniya ang pagbigay ng pondo para mas mabilis maipatupad ang mga proyekto sa pagkain, kalusugan, edukasyon at kabuhayan.
Ngayong taon, tinaasan ng P34 bilyon ang Local Government Support Fund kaya umabot na ito sa P58 bilyon, pinakamalaki sa kasaysayan.
Nagpahayag din ng suporta sa administrasyon ang mga lokal na opisyal at nangakong makikipagtulungan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan.










