PBBM, tiniyak na makakamit pa rin ang target na P20 kada kilo ng bigas

Kumpiyansa pa rin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na maabot pa ang target na P20 kada kilo ng bigas sa bansa.

Sa isang panayam, sinabi ng presidente na dahan-dahang aabutin ng gobyerno ang presyong ito ng bigas na malaking tulong sa mga mahihirap na Pilipino.

Sa kasalukuyan ayon sa pangulo, habang hindi pa ito nangyayari, ang ginagawa ng pamahalaan ay pinararami ang Kadiwa stores na may murang agricultural products.


Mahalaga umano na paramihin ang supply ng bigas at ayusin ang produksyon nito dahil kung mga imported ang ibebenta sa mga Kadiwa stores magmamahal aniya ang presyo nito.

Sa ngayon, mayroon nang mahigit 300 mga Kadiwa stores sa buong bansa, kung saan mabibili ang 22 pesos kada kilo ng bigas.

Bukod sa pagpaparami sa produksyon, tinitiyak din ng pangulo na maganda ang kinikita ng magsasaka.

Naniniwala rin ang pangulo na darating ang panahon na hindi lang mabibili ang mga mababang presyo ng mga produktong pang agrikultura sa mga Kadiwa stores kundi maging sa lahat ng palengke, ito ay kung darami ang produksyon at hindi aasa sa importasyon.

Facebook Comments