PBBM, tiniyak na papanagutin ang may-ari ng commercial vessel na bumangga sa fishing boat ng 3 mangingisda na ikinamatay ng mga ito sa Bajo de Masinloc

Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mananagot ang sinumang responsable sa pagbangga sa fishing boat ng tatlong mangingisda sa Bajo de Masinloc na naging dahilan ng pagkamatay ng mga ito.

Batay sa official Twitter account ni Pangulong Marcos, sinabi nitong labis siyang nalulungkot sa pagkamatay ng tatlong mangingisda.

Sa ngayon ayon sa pangulo na iniimbestigahan na ang insidente para malaman ang detalye at kung ano ang nangyari sa banggaan ng fishing boat at hindi pa matukoy na commercial vessel.


Dagdag pa ng pangulo, nagsasagawa na ang Philippine Coast Guard ng backtracking at tinitingnan ang lahat ng barko sa lugar bilang bahagi ng imbestigasyon.

Siniguro ng pangulo sa mga biktima, kanilang pamilya at sa lahat na gagawin ng gobyerno ang lahat upang mapanagot ang responsable sa naturang maritime incident.

Ipinauubaya naman ng pangulo sa PCG na gawin ang kanilang trabaho at imbestigasyon at iwasan ang mga espekulasyon.

Tiniyak din nito na bibigyan ng kaukulang suporta at tulong ang mga biktima at kanilang pamilya.

Facebook Comments