On track ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa full implementation ng Universal Health Care Act.
Sa ulat ni Health Sec. Teodoro Herbosa sa Malakanyang, sinabi nitong nakatutok sila sa pagtiyak na accessible ang mga serbisyong pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino, anuman ang estado sa buhay.
Pagbibigay diin ng kalihim na dapat ramdam ng bawat Pilipino ang UHC batay na rin sa prinsipyo ng pangulo na “No One Gets Left Behind” o walang mapag-iiwanan.
Ito rin aniya ang pinagbabatayan nila sa 8-Point Action Agenda na tumutukoy sa ligtas at de-kalidad na paghahatid ng serbisyong medikal, kahandaan sa pandemya at krisis, maging sa pagtiyak ng kapakanan at karapatan ng healthcare workers.
Dagdag pa ng kalihim na ngayong taon ay pinalakas ng DOH ang one-stop shop program na nagbibigay ng health services para sa mahihirap na pasyente sa pamamagitan ng Malasakit Centers sa buong bansa.
Sa katunayan, hanggang nitong Setyembre ay umaabot na sa 159 ang Malasakit Centers, ang pinakahuling binuksan at pinasinayaan ay ang Bislig District Hospital sa Bislig City, Surigao del Sur.
Ipinatupad din ng ahensya sa utos ng presidente na whole-of-society approach sa paglaban sa tuberculosis, at HIV/AIDS.