Inaalam na ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga ulat na may planong patalsikin siya sa pwesto.
Paglilinaw ng bise presidente, walang hidwaan sa pagitan nila at ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nag-ugat ang mga ganitong usap-usapan sa gitna ng paglipat ng mga dating kapartido ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa partido ni House Speaker Martin Romualdez at pagtanggal sa confidential funds sa ilalim ng panukalang budget ng OVP at Department of Education para sa 2024.
Una nang iginiit ni Romualdez na walang nilulutong impeachment laban kay VP Sara ang House of Representatives.
Ayon kay VP Sara, kumpiyansa pa rin siyang nasa kaniya pa rin ang tiwala ni Pangulong Marcos Jr.
Naniniwala naman si dating Pangulong Duterte na pinupolitika na agad ngayon ang kaniyang anak na si VP Sara dahil alam nilang posibleng kumandidato ito sa pagka-presidente sa 2028.