Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na makakamit pa rin ang mga target na programa at pag-unlad sa susunod na taon kahit mas mababa mula sa panukala ang inaprubahang 2025 national budget.
Sa kanyang line veto message na ipinadala sa Kongreso, sinabi ng pangulo na inaasahang magdudulot ng “multiplier effect” o magandang pag-unlad sa ekonomiya ng bansa ang inaprubahang budget.
Inaasahan din aniya ang pagbuti ng proseso sa pagnenegosyo at paglikha mas madami at bagong trabaho.
Ayon sa pangulo, susuportahan ng budget ang modernisasyon ng agrikultura at agribusiness, pagtataguyod ng kalakalan at investments, pagpapasigla ng mga serbisyo, at mas advance na research and development.
Mananatili naman aniya sa 5 hanggang 6% ng gross domestic product (GDP) ng bansa ang paggastos sa imprastraktura para mapanatili rin ang mataas na trajectory ng pag-unlad.
Inangat din ang antas ng mga investment na may kinalaman sa pagresponde sa kalamidad at climate-resilience bilang pagtalima sa National Climate Change Action Plan.
Tiniyak naman ng pangulo ang masinop na pamamahala sa mga utang para umangat pa ang rating ng bansa sa iba’t ibang global credit rating agencies at maka-utang pa sa mas mababang interes para masuportahan ang malalaking proyekto ng pamahalaan.