Buo ang pag-asa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na uunlad at mas lalakas pa ang hanay ng mga maliliit na negosyante, mga magsasaka, at mga mangingisda sa bansa sa ilalim ng Kapatid Angat Lahat for Agriculture Program o KALAP.
Inihayag ito ni PBBM sa kanyang pagdalo sa ceremonial signing ng Memorandum of Agreement o MOA sa pagitan ng pribadong sektor at ng pamahalaan para sa KALAP.
Sabi ni Pangulong Marcos, ang KALAP ay kaisa sa layunin ng pamahalaan na mabigyan ng disenteng buhay ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Sa ilalim ng KALAP ay tutulungan ng malalaking korporasyon na palakasin ang kabuhayan at pataasin ang kita ng mga maliliit na negosyante, lalo na sa sektor ng agrikultura kabilang ang mga magsasaka at mangingisda.
Sa kanyang talumpati ay kinilala rin ni Pangulong Marcos Jr., ang mahalagang papel na ginagampanan ng Micro, Small and Medium Enterprises sa paglikha ng trabaho at pagpapaangat sa yaman ng bansa.