PBBM, tumangging magbigay ng kumpirmasyon sa paglahok ni Baguio City Mayor Magalong sa binubuong independent commission na mag-iimbestiga sa flood control projects

Tumangging magbigay ng kumpirmasyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa umano’y paglahok ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa bubuuing independent commission na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa isang ambush interview sa Zambales, natanong ang pangulo kung opisyal na bang bahagi ng independent commission si Magalong, pero sinabi ng pangulo na hindi pa tapos ang pagbuo ng komisyon at hihintayin muna nilang maging pinal ang plano bago ito ilahad sa publiko.

Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), ang binubuong Independent Commission to Investigate Flood Control Anomalies ang tutukoy sa mga iregularidad, panagutin ang mga sangkot, at ibalik ang tiwala ng publiko sa paggastos para sa imprastraktura.

Matatandaang nagsumite ng document folder si Magalong kay Pangulong Marcos na sinasabing naglalaman ng impormasyon hinggil sa mga iregularidad sa ilang flood control projects.

Bagama’t hindi pa detalyado ang nilalaman, matagal nang sinasabi ng alkalde na kanyang ihaharap sa pangulo ang naturang ebidensya.

Una rito, nabanggit ni Magalong sa ilang panayam na posibleng may kinalaman ang nasa 57 na mambabatas sa mga proyektong ito.

Facebook Comments