
Mariing tinutulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panawagan na idekladang persona non grata ang Chinese Ambassador sa Pilipinas.
Sa gitna ito ng isyu sa agawan pa rin ng teritoryo sa West Philippine Sea at ang palitan ng mga pahayag sa pagitan ng ilang opisyal ng Pilipinas at ng Embahada ng China.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, hindi sang-ayon ang Pangulo na ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan kung saan “No” raw ang tugon ni PBBM rito.
Una nang sinabi ni Castro na nais ng pangulo na umiral ang diplomasya pagdating sa ganitong mga usapin.
Sinabi na rin ng Department of Foreign Affairs sa isang pahayag na maaari itong magkaroon ng hindi magandang implikasyon gaya ng pagganti sa ibang bagay kaya’t kailangan munang timbangin nang mabuti.










