
Hindi pabor si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panukalang Constitutional Change bilang sagot sa mga kinakaharap na isyu ng bansa, partikular na ang korapsyon.
Ang pahayag ito ng Palasyo kasunod ng panukala ni House Minority Leader at 4Ps Representative Marcelino Libanan na itulak ang Charter Change (Cha-cha) sa halip na snap elections, gaya ng iminungkahi ni Senator Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, hindi kailangan ng pagbabago sa Saligang Batas dahil ang tunay na solusyon, ay nasa pagbabago ng ugali at pananaw ng mga opisyal ng pamahalaan at ang pagkakaroon ng “change of heart” na tunay na maka-Pilipino at maka-bayan.
Binigyang-diin ni Castro na may sapat na batas ang bansa na maaaring gamitin kung seryosong ipatutupad ng mga lingkod-bayan.
Sa halip na Charter Change, iginiit ng Palasyo na mas makabubuti ang pagtutok sa mga konkretong hakbang para maresolba ang mga suliranin.
Malinaw aniya ang posisyon ng Pangulo na hindi Cha-cha ang sagot, kundi responsableng pamumuno at tunay na paglilingkod sa bayan.









