
Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magsasabi ng katotohanan si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nasa ilalim ng panunumpa si Bonoan habang humaharap sa Senado, kaya umaasa ang administrasyon na magiging tapat at malinaw ang kanyang mga pahayag.
Pahayag ito ng Palasyo matapos sabihin ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na nagbigay umano si Bonoan ng maling impormasyon sa Pangulo hinggil sa mga flood control project.
Bagama’t wala pang personal na tugon si Pangulong Marcos sa naturang alegasyon, tiniyak ng Palasyo na patuloy namang iniisa-isa at bineberipika ni DPWH Secretary Vince Dizon ang mga datos na iniuulat sa Pangulo.
Giit ni Castro, mahalagang matiyak ang tamang impormasyon upang maiwasan ang maling paratang laban sa mga indibidwal na maaaring walang kinalaman sa isyu.
Malaking tulong din aniya sa beripikasyon ng mga proyekto ang transparency portal ng DPWH.










