
Nagsisikap pa rin ang Marcos administration na maibaba ang presyo ng bigas hindi lamang sa mga Kadiwa store kundi sa labas na merkado.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bumababa na ang presyo ng bigas sa Kadiwa pero umaasa aniya siya kung ano ang presyo sa Kadiwa outlets ay magiging kapareho na rin sa mga palengke.
Target aniya nila na hindi lamang sa Kadiwa makabibili ang mga consumer ng 29 pesos kada kilo ng bigas sa hinaharap.
Sabi ng Pangulo, mangyayari ito sa pamamagitan ng pinagandang sistema sa agrikultura tulad ng paglalagay ng mga makinarya para tulungan ang mga magsasaka at pagpapatayo ng milling machine sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Sa ganitong paraan, ang kikitain galing sa palay at sa bigas ay maiiwan na rin sa mga magsasaka at hindi mapupunta sa mga malalaking supermarket.