
Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga lider ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na magkaisa para sa pagsusulong ng patas, bukas, at modernong sistemang pangkalakalan sa rehiyon, upang matiyak na walang bansang maiiwan sa pag-unlad.
Sa kaniyang intervention sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa Gyeongju, South Korea, binigyang-diin ng pangulo ang kahalagahan ng pagbabalik ng maayos na dispute settlement mechanism ng World Trade Organization (WTO).
Ito aniya ang magsisilbing pantay na laban o equalizer para sa mga maliit na ekonomiya tulad ng Pilipinas na umaasa sa patas na sistema ng kalakalan.
Ipinaliwanag ni Marcos na kung walang gumaganang appellate body sa WTO, mas madaling mapag-iwanan ang mga bansang limitado ang kakayahan sa pandaigdigang merkado
Dahil dito, nanawagan siya sa mga kasaping bansa ng APEC na magtulungan sa pagbuo ng mga bagong polisiya na magpapalakas sa transparency, inclusivity, at sustainability ng ekonomiya sa rehiyon.









