PBBM, umapela sa LGU officials na ibalik ang tiwala ng taumbyan

Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan na magtulungan para tapusin ang korapsyon at maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno.

Sa panunumpa ng mga bagong opisyal ng League of Cities of the Philippines (LCP) at League of Municipalities of the Philippines (LMP) sa Malacañang, iginiit ng pangulo na hindi niya palalampasin ang anumang uri ng katiwalian.

Ayon kay Pangulong Marcos, tungkulin ng lahat ng opisyal na itigil ang maling gawain na sumisira sa tiwala ng mamamayan at sa kinabukasan ng bansa.

Bilang dating gobernador, sinabi ng pangulo na alam niya ang hamon sa lokal na pamumuno at hinikayat ang mga opisyal na manatiling tapat at maging huwaran sa serbisyo publiko.

Kamakailan ay iniutos ng pangulo ang imbestigasyon sa umano’y kickback scheme sa mga flood control project at nilagdaan din niya ang executive order na bumuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) para silipin ang mga iregularidad at kasuhan ang mga sangkot.

Facebook Comments