PBBM, VP Duterte at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan, nagpaabot ng mensahe ngayong araw ng kasarinlan

“Ang tunay na diwa ng kalayaan ay makikita sa bawat Pilipinong lumalaban nang patas.”

Ito ang naging sentro ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa selebrasyon ng ika-126 na araw ng kalayaan.

Aniya, sa kabila ng pagsubok na kinahaharap ng bansa ay patuloy na kumakayod ang ating mga magsasaka at mangingisda para makapagbigay ng supply ng makakain.


Gayundin ang dedikasyon ng ating mga guro para sa edukasyon ng mga susunod na henerasyon at ang determinasyon ng ating mga sundalo para maprotektahan ang teritoryo ng bansa.

Kaisa rin si Vice President Sara Duterte sa pag-alala at pagkilala sa sakripisyo ng ating mga bayani para sa tinatamasang kalayaan ng bansa.

Paalala rin aniya ito sa bawat Pilipino na ipagpatuloy ang pagtutulungan tungo sa isang matatag, mapayapa at maunlad na Pilipinas.

Kaparehong pananaw rin ang inihatid ni Senate President Chiz Escudero sa kanyang mensahe ng panghihikayat sa publiko na isapuso ang diwa ng kalayaan sa pagtahak sa landas ng pag-unlad at pagbabago.

Habang inilarawan naman ni House Speaker Martin Romualdez ang kalayaan bilang isang responsibilidad na dapat ipagpatuloy ng mga Pilipino hindi lamang sa mga mananakop kundi maging sa laban kontra kahirapan, katiwalian at kawalan ng katarungan.

Facebook Comments