PBBM, wala pang desisyon sa hiling ni US President Joe Biden na tanggapin ang Afghan nationals sa bansa

Wala pang inaaprubahang kasunduan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa hiling ni US President Joe Biden na tanggapin sa Pilipinas ang Afghan Nationals.

Sa ambush interview sa pangulo, sinabi nitong pinag-aaralan niya pa ang magiging epekto nito sa bansa.

Kailangan aniyang maging maingat sa pagdedesisyon ang gobyerno ng Pilipinas patungkol sa security issues kung papayagan ang hiling ng Amerika.


Sa kasalukuyan ayon sa pangulo, mas maiging pag-aralan muna itong mabuti nang hindi masasawalang bahala ang seguridad ng mga Pilipino.

Matatandaang noong buwan ng Mayo nang magsagawa ng state visit si Pangulong Marcos sa Washington D.C ay personal na humiling si US President Biden kay Pangulong Bongbong na tanggapin ang Afghan nationals.

Ang Afghan nationals na ito ay nagtatrabaho sa US government at ang hiling ng Amerika ay pansamantala muna silang manatili sa Pilipinas habang pinoproseso ang kanilang Special Immigrant Visa application sa US embassy Manila kasama ang kanilang dependents.

Facebook Comments