
Naniniwala ang Malacañang na posibleng kampo ng mga Duterte ang nasa likod ng mga balitang nagbabadyang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. (PBBM).
Kasunod ito ng pahayag ng isang kongresista na may ilang mambabatas na nagpaplanong maghain ng impeachment laban sa pangulo.
Sa isang press briefing sa Malacañang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kumpiyansa si PBBM na nananatili ang malaki niyang tiwala sa Kongreso.
Giit ni Castro, ang paghahain ng impeachment laban sa pangulo ay paglilihis lamang umano mula sa isyu ng umano’y paggamit ng confidential funds ni Vice President Sara Duterte at sa mga paratang na tumanggap umano ng pera mula sa mga drug lord.
Nanindigan ang Malacañang na walang ninakaw na pera ang pangulo.








