
Nilinaw ni Senator Panfilo Lacson na hindi totoong nakinabang at iniutos ni Pangulong Bongbong Marcos ang pagsisingit ng ₱100 billion sa bicameral conference committee ng 2025 national budget na unang isiniwalat ni dating Cong. Zaldy Co sa kanyang social media account.
Sa gitna ng budget deliberations para sa 2026 national budget, pinatotohanan ni Lacson ang listahan ng isiningit na ₱100 billion sa bicam pero iginiit ng senador na hindi ito utos ng pangulo.
Ayon kay Lacson, nang lumabas ang video ni Co ay nakatanggap siya ng impormasyon mula kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Usec. Roberto Bernardo at napagalaman niyang may mga tao sa Malakanyang na hindi otorisado ng presidente ang ginagamit ang pangalan ni PBBM kaugnay sa ₱100 billion budget insertions.
Ang mga ito aniya ay sina Usec. Adrian Bersamin at Education Usec. Trygve Olaivar at iba pang personalidad.
Iginiit pa ni Lacson na wala ring kinuha o hindi tumanggap ng 25 percent commission ang Presidente mula sa isiningit na pondo.
Sa ₱100 billion aniya, ₱81 billion dito ay napunta sa DPWH habang ang ₱29 billion ay sa ibang ahensya.
Samantala, ₱52 billion ng ₱81 billion ay inamin ni Bernardo na hinawakan niya at sa sampung deliveries ng kickback ay siya ang naghatid kay Olaivar at sa pagkakaalam niya ay mayroon ding hati rito si Usec. Bersamin.









