
Tiniyak ng Malacañang na walang sisinuhin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang pamahalaan pagdating sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ito’y matapos idawit ng witness na si alyas Totoy ang ilang kilalang personalidad tulad nina Atong Ang at Gretchen Barreto.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, makakaasa ang mga pamilya ng biktima na pananagutin ang mga responsable sa kaso para maibigay ang nararapat na hustisya sa mga biktima.
Pinatiyak din ng Pangulo sa Department of Justice (DOJ) at iba pang law enforcement agencies ang tuloy-tuloy na imbestigasyon sa kaso.
Samantala, ipinauubaya na ng Palasyo sa DOJ ang pagpapasya kung maaaring gawing state witness si alyas Totoy, at maging ang iba pang lulutang na witness.
Nakadepende aniya sa resulta ng gagawing evaluation ng DOJ sa testimonya ng mga saksi, ang posibilidad na sila ay maging state witness.
Dagdag pa ni Castro, mangangailangan din ng tapang at paninindigan mula sa panig ng mga witness, na magsabi ng pawang katotohanan sa mga nalalamang impormasyon sa kaso ng mga nawawalang sabungero.









