
Walang tulugan at walang holiday break si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang buong ehekutibo ngayong Disyembre upang masusing busisiin ang panukalang 2026 national budget bago ito pirmahan at isabatas.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, inaasahan sana ng pangulo na mas maagang maisusumite ang enrolled bill mula sa bicameral conference committee, ngunit nagahol sa oras ang Kongreso sa pagtalakay nito.
Dahil dito, gagamitin ni Pangulong Marcos ang nalalabing mga araw ng taon upang pag-aralan nang mabuti ang panukalang pambansang pondo.
Bagama’t tiniyak ng mga miyembro ng bicam na malinis at walang bahid ng katiwalian ang panukalang budget, iginiit ng Malacañang na hindi ito sapat na garantiya.
Anumang probisyong makikitang hindi makatao o hindi tugma sa mga prayoridad ng administrasyon ay ivi-veto pa rin ng pangulo.
Giit ng Palasyo, ayaw ng pangulo ng reenacted budget, kaya mananatili siya sa Pilipinas at tututok sa pagrepaso ng 2026 national budget bago matapos ang taon.










