*Cauayan City, Isabela*- Bibigyan ng kumpiyansa sa sarili ang mga kapulisan sa buong Lambak ng Cagayan matapos bisitahin ni Regional Director PBGen. Angelito Casimiro ng Police Regional Office 2 ang lahat ng kanyang mga tauhan na nagsisilbing frontliners sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.
Bago ito, binisita ni RD Casimiro ang ilang Quarantine Control Points (QCPs) sa lahat ng entry point papasok ng rehiyon dos gaya sa Bayan ng Sta. Fe, Kayapa, Villaverde st Bagabag sa Probinsya ng Nueva Vizcaya.
Sa kabila ng kanyang pagbisita ay namahagi ito ng ilang Personal Protective Equipments (PPEs), grocery items, thermal scanner at maging charger at uniporme sa lahat ng kapulisan na nasa nasabing quarantine checkpoint.
Pinaalalahanan naman ni Casimiro ang mga awtoridad na maging maingat sa kanilang tranbaho lalo na ang pagsasagawa ng inspeksyon sa lahat ng papasok sa rehiyon.
Samantala, binisita rin ni Casimiro ang Quirino PPO, Santiago CPO, at Isabela PPO upang tignan ang kanilang kahandaan gayundin ay nagbigay ito ng mga kagamitan at pagkain sa mga kapulisan.
Kaugnay nito, nagsagawa naman ang Regional Crime Laboratory ng lecture at pagsasanay sa tamang pag-asikaso ng mga posibleng positibo sa covid-19 gayundin ang Regional Health Service ay itinuro ang tamang pagsusuot ng Personal Protective Equipment lalo na sa mga Quick Reaction Team.