Hinamon ng Trade Union Congress of the Philippines ang Philippine Contractors Accreditation Board na gamitin ang kanilang oversight function at alamin kung sinusunod ng contractor firm na Datem Incorporated ang mga kondisyon na nakapaloob sa kanilang accreditation at lisensya bilang kontratista.
Nauna rito, pinaimbestigahan sa kongreso ng TUCP ang mga sinasabing kaso ng pagkamatay ng mga mangggawa sa work site ng private construction contractor firm na Datem Incorporated.
Ayon kay TUCP President Rep. Raymond Mendoza, isang resolusyon ang inihain ng Trade Union Congress Party party-list para makapagsagawa ng congressional investigation sa sinasabing mga paglabag ng naturang construction firm sa batas paggawa at sa occupational safety and health standards.
Ani Mendoza, batay sa mga sumbong ng mga construction workers, mayroon ng tatlong kaso ng pagkamatay sa mga project sites ng Datem Inc. Sa Metro Manila na hindi ipinagbigay-alam sa Department of Labor and Employment at PNP.
Dagdag ni Mendoza, dapat ding silipin ang alegasyon na pinapalitan ng kumpanya ang mga building materials ng mga substandard at murang items na posibleng magdulot ng duda sa structural integrity ng lahat ng mga proyekto ng kumpanya.