Nagtulong-tulong na ang Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy sa paghahanap sa pitong mangingisda na nawawala matapos mabangga ang kanilang bangka ng isang cargo vessel sa Agutaya, Palawan.
Ayon kay Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard, patuloy ang ikinakasa nilang search and rescue operations kung saan idineploy na nila ang kanilang Islander plane 251 para makatulong sa ikinakasang operasyon.
Maging ang BRP Jose Andrada ng Philippine Navy ay idineploy na rin para tulong sa search and rescue operations.
Nabatid na 20 ang sakay ng bangka ng mangingisda na FB JOT-18 at 13 sa kanila ay nailigtas at nasa maayos na ang kalagayan.
Sinabi pa ni Balilo na kinumpirma ng mga nakaligtas na mangingisda na binangga sila ng cargo vessel na MV Happy Hiro na galing ng bansang China at papunta sana ng Australia.
Aniya, naka-hold sa kasalukuyan ang M/V Happy Hiro sa Antique kung saan sinusuri na ng mga tauhan ng Coast Guard ang kanilang logbook at iba pang record para malaman ang totoong nangyari.